Sa ilalim ng asul na kalangitan sa bayan ng Alicia, Isabela, isang araw na puno ng pagdiriwang ang ginanap sa Pamantasang Normal ng Pilipinas Hilagang Luzon. Layunin nitong parangalan ang kahusayang ipinamalas at kahanga-hangang tagumpay ng mga nakapasa sa nakaraang Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) 2024 kung saan nakamit ang karangalang Top 2 Best Performing School National Level na may 98.68 % Passing Rate, ang Pamantasan muling nagpakita ng wagas na pagmamahal sa kanyang mga anak, naghanda ng isang makabuluhang pagtitipon kung saan ang mga bunga ng pagsusumikap at pagtitiyaga ay ipinagbunyi ngayong Hunyo 7, 2024.
Bahagi rin ng pagdiriwang ang matamis na tagumpay na inani ni Bb. Charlyn Mae Y. Gabriel nagtapos ng Bachelor in Early Childhood Education at nagtamo ng 91.40% passing rate dahilan upang hiranging Top 6 sa elementarya sa buong bansa.
Sinimulan ang kasiyahan sa isang maringal na Motorcade na umarangkada sa pangunahing lansangan ng bayan ng Alicia,lungsod ng Cauayan, Luna, Cabatuan, San Mateo, Ramon, lungsod ng Santiago,Echague, pabalik ng Pamantasan. Napuno ng asul at dilaw ang paligid, sumabay ang masasayang ngiti ng mga mag-aaral, mga propesor at LPTs na sumasalamin sa liwanag ng tagumpay na kanilang tinatamasa.
Sumunod na inilunsad ang Thanksgiving Mass, isang taimtim na pasasalamat sa mga biyayang natamo at sa mga darating pang pagkakataon. Ipinakita at napatunayang malaki ang nagagawa ng matibag na pananampalataya.
Nasaksihan naman sa programang Panagrambak 2024 ang pagkilala sa mga bagong hirang na guro ng bayan, ang makulay na selebrasyon at masasayang awitan, sayawan at tugtugan na pinuno ng mga gawaing nagpasaya at naghatid ng kakaibang tuwa sa madla.
Nag-uumapaw sa tuwa at galak ang buong Pamantasan sa isa na namang tagumpay na uukit sa kasaysayan at talagang hindi kailanman makalilimutan.