Makabuluhang idinaos ang Baccalaureate Mass at Baccalaureate Program na may temang “Edukasyong Pangguro na Handa sa Kinabukasan: Susi sa Makabuluhang Pagkatuto” ng Pamantasang Normal ng Pilipinas Hilagang Luzon, sa MPH Inno. Hub ngayong ika-25 ng Agosto, 2023.
Dinaluhan ng mga magsisipagtapos ngayong taon ang nasabing programa kasama ang pamunuan ng PNUNL, faculty, staff at ang kgg. na panauhing pandangal at tagapagsalita na si Rev. Fr. Macwayne N. Maniwang, CICM, Ph.D. Pangulo ng University of St. Louis, Tuguegarao City.
Nagtanim ng makabuluhang mensahe na kapupulutan ng aral at naghatid ng inspirasyon si Fr. Maniwang para sa mga magsisipagtapos. Ani niya “Laging pakatatandaan at isabuhay ang H.O.P.E.”
Ang H na kumakatawan sa “Humility” o kababaang-loob na kahit gaano man katayog ang nakamit sa buhay lagi’t laging magpakumbaba, O para sa pagiging “Open-minded”, ang pagkakaroon ng bukas na kaisipan upang yakapin ang inobasyong hatid ng pagiging moderno ng mundo, ang P na sumasasagisag sa salitang “Passion” o ang walang humpay na pagmamahal sa napiling propesyon, sa pagpaparubdob lalo ng hangaring maging guro at E para sa “Endurance” o ang pagiging matatag sa ano mang hamon ng buhay, sa ano mang suliraning dumatal ay kailangang maging malakas at matapang.
Tunay ngang sa kabila ng pandemyang napagdaanan ay nanatili sa pagsagwan ang mga anak ni Inang Pamantasan. Ngayon ay aakyat na sa pampang at handa sa kinabukasan tungo sa pagtuturong makabuluhan.Lagi at laging itatanghal ang Inang Pamantasan sa tugatog ng kahusayan, ipamamalas lagi ang dalisay na serbisyo at itatampok higit ang katotohanan.