Isang buwang pagdiriwang, isang araw na pagtatanghal, subalit panghabambuhay na aanihin ang bunga ng SINING.

Idineklara ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Sining sa ilalim ng Presidential Proclamation 683 noong 1991 sa pangunguna ni dating pangulong Corazon Aquino. Ngayong taon ang tema ng pagdiriwang ay “Ani ng Sining, Bayang Malikhain”. Walang duda na ang Hilagang Luzon ay nakiisa sa taong ito sa pagdiriwang.

Nagpamalas ng kasiningan ang mga performing groups ng PNUNL kabilang ang PNUNL Kalibnusan Chorale, Teatro Paddrafung, PEMS club, Danggayan Cultural Group at Saniweng Rondalla noong Pebrero 29, 2024 sa Dap-ayan PNUNL. Napuno ng saya ang tagpuan sa isang oras na pagtatanghal, muling ginising ng palabas ang kasiningan ng mga mag-aaral, binuhay ang dugong Maharlika at muling pinadaloy sa ugat ang tunay na diwa ng pagiging Pilipino.

Binigyang diin ni Dr. Madonna Castro-Gonzales ang Direktor para sa Administrasyon, Pananalapi at Pagpaplano sa kanyang mensahe na ang pagdiriwang ng Arts Month ay naglalayong gamitin ang malikahaing lakas ng mga artista tungo sa pagbuo ng bansa, pagsamahin ang sining sa buhay ng magkakaibang populasyon at komunidad(LGBTQIA+, PWD,IP, Kabataan, Senior Citizen, atnp.) makilahok sa kritikal na diskurso, kamalayan at pagpapahalaga sa iba’t ibang disiplina at sining sa pamamagitan ng mga umuusbong na plataporma.

Malaking bahagi ang nakaraan sa paghubog ng mga talento at kakayahan at tanging ang karanasan ng bawat Pilipino ang nagpapatangi at nagpapayaman ng kaakuhang Pilipino, ng panitikan, ng wika, ng kultura at sining. Ang pagkakakilanlang kinilala at tiningala ng maraming lahi at karatig bansa ay siyang patuloy na hinuhubog at ipinapamalas sa buong mundo, totoong buhay ang sining at ang sining ay buhay.

Tuluyan na ngang inani ang mga pamanang noon pa man ay yaman na ng ating bayan. Muli ngang pinatunayan ng bawat PNUans ang galing at husay sa entablado.

#HalinaatmakiSINING

#ANINGSININGBAYANGMALIKHAIN

#NATIONALARTSMONTH2024

#PNUNLagingmaSINING!