𝓓𝓪𝓵𝓪’𝔂 𝓲𝓵𝓪𝔀, 𝓼𝓪𝓭𝔂𝓪𝓷𝓰 𝓽𝓪𝓷𝓰𝓵𝓪𝔀.
Isang buhay na patunay ang patuloy na isinasabuhay ng Pamantasan sa walang kamatayang apoy ng kahusayan, katotohanan, at serbisyo nito sa pagpapasa ng sulo at susi ng responsibilidad sa Pagdiriwang ng Sulo 2024 sa bukas na bulwagan ng paaralan, ika-15 ng Hulyo.
Bilang tampok ng seremonya, pinangunahan ng mga pangunahing mag-aaral mula sa ikatlo at ikaapat na taon sa kanilang pagmamartsa. Nagsanib pwersa sina Inang Pilipinas- ang lagablab ng Kahusayan, sa pagsasabuhay ni Bb. Jazle Vivona Pamittan; Inang Pamantasan- ang lagablab ng Kahusayan, sa pagsasabuhay ni Bb. Camille Kaye Corrales; Juan dela Cruz- ang lagablab ng Kagitingan, sa pagsasabuhay ni G. Erenio Baltazar; ang Lakan- ang lagablab ng Kapangyarihan, sa pagsasabuhay ni G. Reden Calipjo; ang Lakambini- ang lagablab ng Katarungan, sa pagsasabuhay ni Lovely Jobhel O. Medina; at ang pinakabagong miyembro ng mga katauhan, ang Bahaghari- ang lagablab ng Kalinangan.
Taunang isinasagawa ang seremonyang ito upang ipagbunyi ang mga nakamit na karangalan ng Pamantasan sa iba’t ibang larangan, gayundin ang pagbibigay pugay sa mga mag-aaral na tumanggap ng hamon upang itaguyod ang kapita-pitagang larawan at kontribusyon ng Pamantasan sa lipunan bilang sentro ng kahusayan at katotohanan.
Sa pangunguna ni G. Kenneth Jay Iquin, ang pangunahing mag-aaral ng Ikatlong taon ay tinanggap nang buong puso at diwa ang ipinasang responsibilidad at gampanin na nakaatang sa mga nasa ikaapat na taon sa pangunguna ng pagpasa ng pangunahing mag-aaral mula sa ikaapat na taon na ginampanan ni Bb. Bianca Mae Gonzales.
Pinangunahan naman ni Ehekutibong Direktor at Tagapagpaganap Dr. Agnes S. Reyes ang pagsisindi ng sulo bilang simbolo ng liwanag na gumagabay sa mga mag-aaral sa pagsasakatuparan ng mga pangarap ng mga mag-aaral sa ilalim ng pangangalaga ni Inang Pamantasan.
Kasabay ng taimtim at makabuluhang programa ng pag-aalay ng mga tagumpay at responsibilidad ay ang pagkilala sa mga natamong karangalan ng pamantasan na siyang nagpapaalab sa taglay nitong lagablab sa larangan ng mga institusyong pang-edukasyon.
Tanda lamang ang nasabing pagdiriwang sa hindi nagmamaliw na ningas ng Pamantasan sa kahusayan, katotohanan, at serbisyo hindi lamang sa pambansang lebel kundi sa internasyunal na entablado na patuloy pang pagliliyabin sa susunod pang mga seremonya.










